Parang hugot tungkol sa relasyon sa pag-ibig ang nangyari sa isang konduktor na basta na lang iniwan ng kasamahan niyang driver sa bus.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkoles, ibinahagi sa social media ng pasaherong si Jimuel Hilo Danaytan ang nangyari sa sinakyan niyang bus kung saan naiwan ang konduktor.
Ayon kay Jimuel, sabay silang bumaba ng konduktor sa bus para umaalay sa pagkuha ng kaniyang bagahe.
Pero hindi pa nila nakukuha ang bagahe, umarangkada na ang bus at naiwan ang konduktor, na walang nagawa kundi umupo na lang sa bangketa at maghintay sa pagbabalik ng kasama niyang driver.
Gaya ng ibang eksena na may naghahabol, hinabol naman ng konduktor ang bus pero mabilis itong nakalayo.
May rider naman daw na nag-alok sa konduktor na isasakay siya para habulin ang bus, pero tumanggi raw ito.
Ayon sa post ni Jimuel, "parang may LQ (lover's quarrel) lang sila ng driver ay HAHAHA charot."
Sa huli, bumalik din ang bus para sa konduktor at nakuha rin ni Jimuel ang kaniyang bagahe.
Inakala raw kasi ng driver na ang pasahero lang ang bumaba kaya umalis ito at naiwan ang konduktor.— FRJ, GMA Integrated News
