Laking gulat ng isang bumili ng ice cream sa United Kingdom nang makita niyang may langaw sa loob ng lalagyan ng pampalamig na iniregalo niya sa kaniyang nobya. Sa India naman, mga dagang nagpiyesta sa kusina ng isang tren na nagluluto para sa mga pasahero ang nahuli-cam.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nabili ng kostumer ang ice cream sa isang surpermaket. Iniregalo niya ang palamig sa kaniyang nobya.
Pero uminit marahil ang ulo nila nang makita nila ang patay na langaw sa loob ng lalagyan. Mabuti na lang na nakita nila ang langaw bago pa man nila kainin at buksan ang ice cream.
"This is an isolated incident and we are in touch with the customer to apologize that this item did not meet our usual high standards," ayon sa pahayag ng Morrisins Store.
"All of our fresh market street counter have measure in place to prevent flies coming into contact with our food," dagdag nito.
Tinanggap naman ng magkasintahan ang paumanhin pero umaasa silang aaksyon ang supermarket sa nangyari lalo pa't marami pa raw nagrereklamo laban sa pamilihan.
"An apology would be nice but, mainly, I want to make sure their food is healthy for others. No one knows what's going on behind closed doors and this isn't something you expect to happen to you, but now it has. It needs something done about it," sabi ni Katie Connolly.
Sa India naman, halos bumaligtad ang sikmura ng isang pasahero ng tren nang makuhanan niya ng video ang mga daga na nagpipiyesta sa kusina kung saan niluluto ang pagkaing ibinibigay sa mga pasahero.
Batay sa local report, kuha ang video ng isang pasahero sa Madgaon Express. Sinisi umano ng catering service provider ng tren ang railway officials dahil iginarahe raw ang tren sa lugar na maraming daga.
Nakahinto raw noon ang tren sa pagitan ng Mumbai at Goa.
Ayon naman sa public relations ng Central Raiway, may mga hakbang na silang ginagawa para mapuksa ang mga daga at ipis sa garahe.
May mga inilagay na raw silang mga lason sa daga sa railway yard, bukod pa sa mga panghuli gaya ng glue boards. -- FRJ, GMA Integrated News
