Dahil sa paghahanap sa nawawalang kalan, nalutas ng mga residente sa isang barangay sa Cauayan City, Isabela ang matagal nang palaisipan sa kanila kung saan napupunta ang nawawala nilang mga panty at bra sa sampayan. Ano kaya ang ginagawa ng suspek sa nakukulimbat niyang mga underwear?

Sa video ng  GMA Integrated Newsfeed, sinabing pinuntahan ng ilang residente ang bahay ng isang construction worker na lalaki sa Barangay District 1 dahil sa nawawalang kalan.

Nakita nila doon ang kalan pero may iba pa silang nahanap: mga damit, bra at panty na aabot sa dalawang sako ang dami.

Madilim sa loob ng bahay kaya nagpatawag sila ng barangay at doon na bumungad ang sikreto ng suspek.

Ayon sa mga residente, ilang buwan na silang nawawalan ng mga sinampay.

"Ang sampayan namin sa mismong garahe namin. 'Yung ibang damit hindi ko ma-notice kung nalalabhan ko siya," ayon sa isang residente.

Sinabi ni barangay kagawad Santiago Balmilero na inamin umano ng suspek na halos lahat ng kapitbahay niya ay nabiktima nito.

Ginagawa raw ng suspek ang pagnanakaw kapag nalalasing.

"Noong in-interrogate sa barangay, trip lang daw niya [kaya niya ginagawa]," ayon pa ni kagawad batay sa interogasyon nila sa suspek.

At nang tanungin kung ano ang ginagawa niya sa mga ninakaw na bra at panty, paliwanag umano ng suspek, "hinihigaan lang niya."

Hindi na nagsampa ng reklamo ang mga residente laban sa suspek pero napagkasunduan na dapat na siyang umalis sa barangay.

Ang mga nabawing damit, bra at panty, kinuha umano ng ibang residente, habang ang hindi na ay ididispatsa na lang.-- FRJ, GMA Integrated News