Isang napakagandang regalo ang natanggap sa kaarawan ng kambal na 15 taong nagkahiwalay nang ipaampon sila ng kanilang ina sa magkaibang pamilya noong sanggol pa lang sila. Sa kanilang 16th birthday, sorpresa silang pinagtagpo.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Elvis Minuluan, nakatira sa Maramag, Bukidnon, na sa kaniya napunta ang isa sa kambal na pinangalanan niyang James.

Kuwento ni Elvis, isang beki, nakilala niya noong 2008 ang ina ni James na si Mary Joy, na nagtatrabaho sa isang bar sa Cagayan de Oro.

Kahit beki, sinabi ni Elvis na nagkaroon siya noon ng sariling anak ngunit iniwan niya ito. Kaya nagkaroon siya ng pagsisisi sa sarili.

Kaya nang malaman niya na may ipapaampon na anak si Mary Joy, kinuha niya ito at itinuring na anak.

Para mabigyan ng magandang kinabukasan si James at matustusan din ang pagpapagaling dahil sakitin noon ang bata, iba’t ibang raket ang pinasok ni Elvis.

“Ang tawag nila sa Papa ko ay bakla, pero sinabihan ko sila na kahit na bakla ang aking Papa, ‘Huwag niyong bastusin ang Papa ko kasi ‘di niyo naman ‘yan buhay, sa aking Papa ‘yan,” depensa ni James sa kaniyang ama-amahan.

Naging maayos naman ang buhay ni James na Grade 10 student na ngayon.

Hanggang isang araw, nakatanggap ng Facebook message si Elvis mula kay Mary Joy, at muli nitong sinabi ang tungkol sa kakambal ni James na Joveth ang pangalan.

Dati na raw sinabi ni Mary Joy ang tungkol sa kakambal ni James pero inakala raw ni Elvis na nagbibiro lang ito. Maging sa birth certificate, isa lang ang nakasaad na sanggol.

“Nagulat ako kasi hindi sinabi sa akin ni Papa sa akin na mayroon akong kambal,” sabi ni James.

Nasa Bukidnon din umano si Joveth pero hindi nila alam kung saan ang partikular na lugar kaya sinubukan nilang hanapin at manawagan na rin sa social media.

At nakakuha sila ng impormasyon na nasa Manolo Fortich sa Bukidnon si Joveth, na tatlong oras ang layo mula sa Maramag.

Si Joveth, inampon ng mag-asawang Fernando Ventura at Jeanylyn Ladao, matapos na ialok sa kanila ng babae na Mary Joy ang pangalan.

“Kasi ang nanay niya nagtatrabaho sa bar noon. Naaawa lang ako sa mga bata kasi ‘yung dinedede nila ay tubig lang at saka brown sugar,” sabi ni Fernando.

Kinuha nila ang isa sa kambal, at hindi na nila nalaman kung saan napunta ang isa pang bata.

Si Joveth, sakitin din umano noong bata. May kakulitan din daw ang bata kaya grade 7 lang siya ngayon.

“Medyo makulit, kahit na pinag-aral namin minsan ang bag lang niya ang papasok sa klase. Nagka-cutting,” sabi ni Jeanylyn.

Gayunman, itinuring nilang tunay na anak si Joveth, at noon pa man ay ipinaalam na nila na mayroon siyang kakambal.

“Gusto kong makita sina Mama at Papa at kapatid kong kambal,” sabi ni Joveth.

Kaya ilan araw bago ang kaarawan ng kambal, gumawa ng paraan ang "KMJS" upang sorpresang magkita ang kambal. Tunghayan ang nakaaantig na tagpo ng magkapatid sa video. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News