Pinakilig muna ng isang scammer na nagpanggap na Hollywood actor na si Brad Pitt, at gumamit ng deepfake sa tulong ng AI [artificial intelligence], ang isang babae sa France bago niya hinuthutan ng pera na umaabot sa $850,000 o katumbas ng mahigit P49 milyon.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa France ang nangyari sa 53-anyos na biktima.
BASAHIN: Deepfakes, alamin kung paano matutukoy, ayon sa mga eksperto
Batay sa imbestigasyon, isa't kalahating taon na nagkaroon ng komunikasyon online ang biktima at ang inakala niyang si Brad Pitt.
Nagpapadala pa ng sweet messages na may kasamang larawan ang scammer na gumagamit ng AI sa kaniyang modus.
Hanggang sa nagpanggap na ang scammer may cancer siya at kailangan ng pera para magpagamot kaya nagpadala naman ang biktima.
Nagpaalala naman ng kampo ng Brad Pitt sa publiko, huwag sagutin ang mga mensahe na nagpapakilalang siya.
Paliwanag ng kampo ng aktor, hindi naman active sa sorcial media si Brad Pitt.-- FRJ, GMA Integrated News
