Patay ang isang 46-anyos na lalaki matapos barilin ng kaniyang kapitbahay matapos silang magtalo na nag-ugat sa away ng kanilang mga alagang pato at manok sa Numancia, Aklan.
Sa ulat ni Darwin Tapayan ng Barangay RU 92.9 Super Radyo Kalibo sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Pusiw.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang magkapitbahay nang magkaroon ng pagtatalo ang dalawa nang sugurin umano ng alagang pato ng biktima ang alagang manok ng suspek.
Sa gitna ng mainit nilang pagtatalo, umalis ang suspek at kumuha ng baril, at dalawang beses na binaril sa dibdib ang biktima nang bumalik.
Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay. Nadakip naman ang suspek sa follow up operation na mahaharap sa kaukulang reklamo.—FRJ, GMA Integrated News