Isang lola ang sumampa sa platform ng baggage handling area na inakala niyang papunta sa boarding gate sa Vladikavkaz Airport, Russia.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa isang video na kampanteng nakikipag-usap ang dalawang staff ng airport sa isang pasahero kaya hindi nila napansin ang ginagawa ng lola sa gilid.

Umakyat ang lola sa platform para sa bagahe at dumiretso sa conveyor belt. Maya-maya lang, natumba at napahiga ang lola.

Nalaman lang mga staff ang ginawa ng lola nang alertuhin sila ng pasahero.

Base sa mga ulat, napunta ang lola sa baggage handling area.

Tinulungan naman ang lola ng mga empleyadong nakapuwesto roon at dinala siya sa boarding gate.

Bagama't natumba sa conveyor belt, nasa maayos namang kondisyon ang matanda.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News