Nagulat at namangha ang mga researcher sa Spain na nagsasagawa ng pag-aaral tungkol sa mga pating habang nasa ilalim sila ng dagat nang biglang magpakita ang mailap na isda na binansagang "Sea devil."
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagsasagawa ng pag-aaral sa bahagi ng Canary Islands ang mga researcher ng NGO na Condrik Tenerife nang magpakita sa kanila ang isang Melanocetus johnsonii, na tinatawag na "sea devil" at "black sea monster."
Ang pagkaka-video sa naturang isda nang buhay at lumalangoy ang pinaniniwalaang kauna-unahan.
Karaniwang kasing nakikita ang mga Melanocetus johnsonii sa ilalim ng dagat na nasa 200-2,000 meters, na halos hindi na naabot ng liwanag ng araw.
Ang mga specimen o patay na uri nito ang karaniwang nakikita sa mga museum.
"This could be the first recorded sighting in the world of an adult black devil or abyssal anglerfish (Melanocetus johnsonii) alive, in broad daylight and on the surface. " ayon sa Condrik Tenerife.
"The reason for its presence in such shallow waters is uncertain. It may be due to illness, an upwelling current, fleeing a predator, etc.," dagdag nito.
Ang na-videohan na devil fish, ilang oras din lang nanatiling buhay. Namatay ang naturang isda malapit sa surface ng dagat.
"It was in poor condition and only survived for a few hours. It's an extremely rare and isolated sighting," Laia Valor, Marine Biologist.
Dinala ng research team ang katawan ng pambihirang isda sa Museum of Nature and Archaeology para mapag-aralan.
Hanggang nitong Pebrero 11, nananatiling misteryo kung ano ang dahilan kung bakit nagtungo ang naturang isda sa mas mababaw na bahagi ng dagat.
Ang mga babaeng Melanocetus johnsonii ay kilala dahil sa kanilang dorsal appendage na umiilaw para maka-attact ng prey gaya ng maliliit na isda at crustaceans.
Walang ganitong pa-epek na ilaw ang mga lalaking anglerfish na umaabot lang ng isang pulgada ang laki.-- FRJ, GMA Integrated News