Mapapa-sana all malamang ang mga misis sa ginawang sorpresa ng isang mister na motor taxi rider sa kaniyang maybahay. Inorder ni mister ang lahat ng nasa add-to-cart ng kaniyang asawa nang makatanggap siya ng "kaunting" bonus dahil alam niyang mapapasaya niya ang kaniyang kabiyak.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang housewife na si Che, na labis na nagulat at kinabahan nang dumating sa kanilang bahay ang mga naglalakihang mga parcel kahit na wala naman siyang checkout o order sa online shopping.

Nang makausap niya ang kaniyang mister na si Ryan sa cellphone, todo tanggi siya tungkol sa mga dumating na mga parcel. May linya pa siya na baka "scam" ang mga dumating na parcel.

"Wala akong ibabayad dito. Ano ba 'tong mga 'to?," sabi ni Che sa kaniyang mister na si Ryan.

Dahil dito, sumagot ang delivery rider na bayad na ang mga parcel na lalong nagpagulat kay Che.

Sa kabila ng pagsasabi ni Che na wala silang binili online, tuloy lang ang delivery rider sa pagbaba ng mga parcel.

Nang sabihin ni misis na ipababalik na lang niya ang mga ito, doon na umamin si mister.

"Uy 'wag mong ipabalik! In-order ko 'yan [para] sa 'yo!" sabi ni Ryan.

"'Di ba 'yung mga naka-add to cart mo? Chineckout ko lahat!" sabi ni Ryan, na gulat namang ikina-touch ni Che.

Ayon kay Che, naka-add to cart ang mga items dahil nagandahan siya sa mga ito pero bibilhin na lang sana niya kapag nagkapera.

Kaya naman si Ryan, naisip na sorpresahin ang kaniyang misis.

"Nagkapera ako eh, kaya chineckout ko na," sabi ni Ryan.

"Saan nanggaling 'yung pera mo?" tanong naman ni Che.

"Nakakuha tayo ng kaunting bonus eh. Chineckout ko na. Alam ko namang magiging masaya ka riyan eh" sabi ni Ryan.

"Lagi kong tinitingnan 'yung mga naka-add to cart mo eh. Siyempre hindi mo naman i-add to cart 'yun kung wala kang balak bilhin eh. Ang mamahal pa naman ng mga 'yon! Eh mas mahal kita ru'n," pakilig ni mister kay misis.

Sa panayam, sinabi ni Che na hindi niya inasahan na bibilhin ng kaniyang mister ang mga item dahil hindi naman kalakihan ang kinikita nito.

Napag-alaman na love language talaga ng mag-asawa ang pagsorpresa sa isa't isa.

"Lagi tuwing uwi galing trabaho, magugulat ka na lang may dalang mga food," kuwento ni Che.

Kung paminsan, groceries naman ang iniuuwi ni Ryan. Kung hindi naman, pagtulong naman sa gawaing bahay ang kaniyang ginagawa.

Isang umaga, si Ryan ang naglaba para makapagpahinga si Che na noo'y may sugat sa kamay.

"I-appreciate rin natin 'yung hirap ng mga misis natin sa bahay kasi hindi naman porket nasa bahay lang sila e wala silang ginagawa. Kung tutuusin nga eh, mas mahirap pa. 'Yung simpleng ma-appreciate lang natin si misis tapos bigyan natin ng mga bagay na makakapagpasaya sa kanila," sabi ni Ryan. -- FRJ, GMA Integrated News