Kulong ang inabot ng isang lalaki na magsumbong sa pulisya na naholdap siya ng mga armadong lalaki at natangay ang kaniyang pera sa Samal Island. Pero kinalaunan, umamin ang lalaki na gawa-gawa lang niya ang kuwento dahil maipatalo niya sa Small Town Lottery (STL) ang perang bigay ng kaniyang misis para ipambayad sa kuryente.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na nagsumbong ang lalaki na naholdap siya ng mga lalaking may baril sa Barangay San Agustin, Samal Island.
Kaagad namang naglatag ng dragnet o checkpoint ang mga pulis na nagdulot ng pagkaabala sa ilang motoristang pinapara.
Pero sa pagpapatuloy ng pagtatanong sa lalaki, nagduda ang mga pulis sa paiba-iba nitong sinasabi kaya nagduda ang mga awtoridad.
Ayon kay Island Garden City of Samal (IGACOS) City Police Chief, Lieutenant Colonel Hamlet Lerios, umamin din kinalaunan ang lalaki na imbento lang niya ang kuwentong naholdap siya.
Inamin din umano ng lalaki na naipatalo niya sa pagtaya sa STL ang P10,000 na ibinigay ng kaniyang asawa para ibayad sa kuryente.
Dahil sa ginawa ng lalaki, kinasuhan siya ng pulisya kaugnay sa pagbibigay ng maling impormasyon sa pulisya sa ilalim ng Presidential Decree 90.
Paalala ni Lerios, hindi maaaring maloko ang mga pulis dahil sanay ang mga ito sa pag-iimbestiga at may karampatang parusa sa mga manloloko. -- FRJ, GMA Integrated News