Nataranta ang isang lola nang may madinig siyang iyak ng bata na nagmumula sa loob ng kanilang refrigerator sa tindahan. Ang bata sa loob, ang binabantayan niyang apo na tatlong-taong-gulang.

Sa video footage na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang lolo na ng batang si JK na abala sa paglilinis sa kanilang ref sa tindahan.

Inalis niya ang mga laman ng ref, pati na ang mga patungan kaya maluwag sa loob nito. Tinanggal din niya sa saksakan ang ref para mag-defrost.

Maya-maya lang, umalis si lolo at iniwan niya ang ref na nakabukas ang pinto.

Nang sandaling iyon, nasa labas naman si JK at naglalaro ng bola kasama ang kaniyang lola. Pero ilang saglit lang, pumasok ang bata sa tindahan at sinilip ang laman ng ref.

Walang ano-ano, pumasok si JK sa loob ng ref at nagkasya siya dahil wala ang mga patungan o shelf nito dahil tinanggal ng kaniyang lolo.

Si JK mismo ang nagsara ng pinto ng ref habang nasa loob siya.

Ilang saglit lang, madidinig na ang pag-iyak ni JK dahil hindi na siya makalabas.

Nang bumalik ang kanilang lolo, tila hindi nito napansin ang iyak na nagmumula sa ref dahil abala pa rin siya sa pag-aayos sa tindahan.

Hanggang sa pumasok na rin sa tindahan ang kaniyang lola na tila hinahanap si JK. Nang madinig niya ang iyak sa loob ng ref, nagmamadali siyang binuksan ito, at umiiyak na lumabas ang bata.

Ayon sa ina ni JK na si Rona May Gajisan, umiyak ang kaniyang anak dahil madilim sa loob, at takot daw ang anak niya sa dilim.

"After nu'n, naglaro na siya ulit and proud niya pang ikunuwento na nagtago siya sa ref and hindi siya nakita," sabi pa niya Rona.

Itinuturing din ni Rona na aral din sa kanila ang insidente dahil na rin sa mga puna ng ilang netizens sa ginawa umanong pag-iwan kay JK kaya nakapasok sa ref.

"Bilang magulang, hindi ko rin naman gugustuhin na may mangyari sa bata ko," ani Rona. -- FRJ, GMA Integrated News