Bumalik sa Kalibo International Airport ang isang eroplano na nakalipad na patungong South Korea dahil sa power bank na naisama ng isang pasahero sa kaniyang bagahe na naka-check-in.

Sa ulat ni Darwin Tapayan ng Super Radyo Kalibo sa Super Radio dzBB nitong Lunes, sinabi ng awtoridad na nag-ugat ang insidente nang sabihin ng isang pasahero na naisama niya sa kaniyang bagahe na naka-check-in ang kaniyang power bank na dapat ay iha-hand carry niya.

Matapos ang isang oras na biyahe sa himpapawid, ligtas naman na nakabalik airport ang eroplano at kaagad na inilabas ang bagahe ng pasahero para kunin ang kaniyang power bank.

Dahil sa insidente, muling ipinaalala ng pamunuan ng paliparan sa mga bibiyahe na sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran ng paliparan para hindi malagay sa alanganin ang biyahe ng mga eroplano.

Idinagdag pa dapat ipaalam na ng pasahero sa check-in station palang ang mga dala-dalang electronic device. 

 

 

BASAHIN: South Korea to limit power banks on flights following plane fire

Nitong Marso, nagpatupad ng bagong aviation safety rules ang South Korea's transport ministry tungkol sa pagdadala ng portable batteries kasunod ng pagkasunog ng isang eroplano ng Air Busan habang naghahandang umalis papuntang Hong Kong. -- FRJ, GMA Integrated News