Dahil sa kaluskos na tila nais tuklapin ang bubong ng kanilang bahay, nabulabog ang isang pamilya sa Naic, Cavite nang alamin nila kung ano ang pinagmumulan ng ingay-- isa umanong aswang o tiktik na buntis ang pinupuntirya.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing maghahatinggabi noong nakaraang buwan nang mangyari ang insidente habang nagbabakasyon sa bahay ng kaniyang mga magulang si Lyn, na dalawang buwan nang buntis.Ayon kay Lyn na sa Pampanga na nakatira, nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan pagsapit ng gabi mula nang magbakasyon siya sa naturang bahay sa Naic.Nagkaroon din umano siya pagdurogo, hanggang sa may madinig na nga ang kaniyang mga kapatid na sina Karen at Junbert ng matinding ingay mula sa bubungan na tila nais tuklapin ang kanilang yero.Ayon kay Karen, sumunod siya kay Junbert nang lumabas ito at kinuhanan ng video kung ano man ang nasa bubungan. Doon na sila nangilabot nang mahuli-cam ang maitim na pigura na gumagapang sa bubungan na isa umanong aswang."Hala aswang ma. Mama, aswang!," madidinig sa video. "Ayun pa!, kulay itim pa."Naniniwala ang ina ni Lyn na si Arlene na ang anak niyang buntis ang pakay ng aswang dahil sa paniniwala na mabango sa amoy ng mga tiktik ang sanggol sa sinapupunan.Napag-alaman din na hindi pala iyon ang unang pagkakataon sa lugar na may buntis na nakakita ng aswang.Si Kicia, ikinuwento na buntis din siya noon at magbabanyo dakong 8 pm noong nakaraang taon nang makita niya ang isang maitim at malangis na malaking tao.Dahil sa matinding takot, lumipat na ng ibang barangay si Kicia, wala nang balak na manirahan doon muli.Samantala, hinagisan naman nina Karen ng asin ang kanilang bubungan dahil sa paniniwalang pangontra ito sa aswang. May latigo rin na nakahanda ang kanilang padre de pamilya.Si Junbert, matapang na inakyat na ang bubungan para malaman kung nandoon pa ang hinihinala nilang aswang at nagulat sila sa kanilang nakita. Ano kaya iyon? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News