Ilang araw bago ang kasal sa simbahan, isinugod sa ospital ang bride dahil sa kaniyang sakit na cancer. Pero natuloy pa rin ang kasal dahil pumayag ang pamunuan ng ospital na doon na lang gawin ang seremonya.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing may Stage 4 gastric cancer ang bride na si Ayen Sanchez.
Nang sumama ang kaniyang pakiramdam bago ang takdang araw na kasal, dinala siya sa isang pribadong pagamutan sa Mandaue City sa Cebu.
Upang matuloy ang kasal, pumayag ang pamunuan ng ospital na gamitin ang kanilang chapel na pagdausan ng kasal nina Sanchez at groom niya na si Jurry Brigoli, na 15 taon nang nagsasama.
Naging saksi sa kasal ang anim nilang anak, maging ang kani-kanilang pamilya ang wedding entourage.
Hindi rin nawala bilang bisita ang mga staff ng ospital.
Hiling ng bagong kasal ang paggaling ni Ayen. -- FRJ, GMA Integrated News
