Naging emosyonal ang father-daughter dance sa isang kasalan sa Batangas nang isayaw ng bride ang standee ng kaniyang yumaong ama. Pati ang ibang mga bisita, hindi rin napigilang tumulo ang luha.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, aminado ang bride na si Allyza Aurelio Panganiban, na certified Papa's girl siya kaya hindi naging madali para sa kaniya na tanggapin ang biglang pagpanaw ng kaniyang ama na si Allan noong 2023 nang dahil sa heart attack.

Kuwento pa ni Allyza, laging present ang kanilang padre de pamilya sa mga kaganapan sa kanilang buhay tulad ng mga birthday, sa debut, engagement at maging sa gender reveal.

Kaya naman sa kaniyang kasal, hindi sumagi sa isip ni Allyza na hindi na niya makakasama ang kaniyang Papa Allan, lalo na sa kaniyang father-daughter dance.

"Sobrang nakakabigla po kasi. Hindi ko man lang narinig yung huling mensahe niya. Hindi ko man lang naramdaman yung yakap niya. Hindi ko man lang narinig yung huling boses niya," sabi ni Allyza.

Pero sa araw ng kaniyang kasal, may espesyal na sorpresa sa kaniya ang kaniyang mga kapatid--ang standee ng kanilang ama para makasama niya sa pagsayaw.

"Na-feel ko po na si Papa yung nakayapos din siya sa akin. Tapos ang gaan-gaan po ng pakiramdam ko noong sinasayaw ko siya. Kasi feeling ko nandoon siya," ayon kay Allyza.

Natupad din ang pangarap ni Allyza na family portrait nila sa kasal sa tulong ng isang live wedding painter na isinama si Papa Allan.

Ang standee ni Pap Allan, kasama rin ni Allyza nang ianunsyo niya ang kaniyang pagtatapos sa kolehiyo. 

Patuloy man siyang nangungulila sa kaniyang ama at sa larawan na lang nila ito masisilayan, ramdam pa rin naman nila na palagi nilang kasama ang kanilang mapagmahal na padre de pamilya.

"Thank you sa lahat ng sacrifices. Thank you kasi binuo mo kami nang ganito, iniwan mo kaming nang masaya, matatag. Kung ano yung iniwan mo hanggang dulo, magkakasama kami, Pa. Magkakasama kaming lahat," ayon kay Allyza.-- FRJ, GMA Integrated News