Isang vlogger na pagmu-mukbang ang content ang namatay dahil sa komplikasyon sa bituka ilang araw matapos niyang tanggapin ang hamon ng isa niyang follower na kainin pati ang mga buto ng manok kapalit ng P20,000. Ang masaklap, ang pangakong pera ng follower, joke lang daw.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 2022 nang simulan ni Rogelio na mag-vlog na ang content ay pagmukbang ng mga pagkain mula sa bukid sa Leyte.Ginawa niya ito sa kagustuhan na makatulong sa pamilya kapag kumita na ang kaniyang mga content. Hanggang sa dumami na nga ang kaniyang followers. At nitong nakaraang Marso, nagsimula nang kumita ang kaniyang content sa isang social media platform at nakakuha siya ng unang sahod na P24,000.Kaya naman mas sinipagan pa ni Rogelio na gumawa ng content sa kaniyang account. Hanggang sa makatanggap siya ng challenge sa isang follower na kainin ang mga buto ng manok para padalhan siya ng P20,000.Dahil naisip na malaking tulong sa kaniyang pamilya ang sinasabing halaga na ipadadala ng follower, kinasahan ni Rogelio ang hamon. Isinagawa niya ang video noong May 19 at kumain siya ng lechon manok, at kasama ang mga buto nito.Pagkaraan ng dalawang araw matapos i-video ang naturang content, sumakit ang tiyan ni Rogelio kaya dinala siya sa ospital. Inirekomenda ng duktor na operahan siya dahil may nakitang problema sa kaniyang bituka.Pero ilang araw pa ang lumipas, pumanaw na si Rogelio. At ang follower na humamon sa kaniyang kumain ng mga buto ng manok, hindi na nagparamdam at wala ring ipinadala na P20,000.May kinalaman nga kaya ang mga buto ng manok sa pagkamatay ni Rogelio? At matunton pa kaya ang follower na naghamon sa kaniya? Panoorin sa video ang buong kuwento. Para sa mga nais tumulong sa pamilya ni Rogelio, maaaring magdeposito sa:BANK: BDOACCOUNT NAME: DOLLY ARILA REDILLAACCOUNT NUMBER: 004910422288 -- FRJ, GMA Integrated News