Isang buntis na Black woman na brain-dead na ang pinanatiling buhay sa southern US state ng Georgia. Ginawa ito dahil sa umiiral na batas kontra sa abortion. Nang maisilang ang bata sa pamamagitan ng emergency Cesarean section, ayon sa isang opisyal, inalis na ang babae sa makinang nagpapanatili sa kaniyang buhay.
Naging sentro ng atensyon sa Amerika ang naturang babae na si Adriana Smith, dahil na rin sa maraming pagbabago na nangyari sa mga batas ng aborsyon simula nang ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang federal rights sa pagpapalaglag noong Hunyo 2022.
"On Friday, June 13, 2025, her infant son, named Chance, was born prematurely at approximately 4:41 am via emergency Cesarean section," saad ng tatlong Democratic congresswomen sa isang pahayag.
"Chance weighs about 1 pound, 13 ounces and is currently in the NICU," ayon pa sa pahayag, na sinabi ring inalis sa life support system si Smith noong Martes.
Isang registered nurse si Adriana, 30-anyos, na nakaranas ng matinding pananakit ng ulo noong Pebrero. Sa panahong iyon, napag-alaman na siyam na linggo na siyang buntis.
Nang una siyang magpunta sa ospital, binigyan lang siya ng gamot. Pero sa sumunod na araw nang dalhin siya sa ospital na kaniyang pinapasukan, napag-alamang may mga namuong dugo sa kanyang utak, at idineklara siyang brain-dead.
Ipinagbabawal sa Georgia ang aborsyon kapag anim na linggo na ang ipinagbubuntis. Isa ito sa mga tinatawag na “heartbeat law” dahil sa paniniwalang may tibok na ang puso ng sanggol sa panahong iyon.
Dahil siyam na linggo nang buntis si Adriana, natakot ang mga doktor na gumawa ng anumang hakbang na maaaring maging labag sa kanilang batas, ayon sa kaniyang ina na si April Newkirk.
"This decision should've been left to us," sabi niya sa local NBC broadcaster WXIA-TV noong kalagitnaan ng Mayo.
"I'm not saying that we would have chosen to terminate her pregnancy, what I'm saying is: we should have had a choice," dagdag ni Newkirk.
Matapos ang desisyong Roe v. Wade na pinawalang-bisa noong 2022, mahigit 20 estado, kabilang ang Georgia, ang nagpatupad ng mahihigpit o lubusang pagbabawal sa aborsyon.
Isinusulong tatlong kongresistang babae na sina Nikema Williams, Ayanna Pressley, at Sara Jacobs, na magkaroon ng mas malinaw na proteksyon para sa mga buntis, lalo na para sa mga Black women na madalas apektado ng hindi pantay na pagtrato sa medikal na sistema at mga mahigpit na batas.
"The lack of a formal legal opinion or prosecutorial guidance leaves families and doctors in limbo," sabi ng mga mambabatas sa inihain nilang resolusyon. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News