Nasira ang obrang “Van Gogh” chair matapos itong upuan ng isang turista sa Palazzo Maffei Museum sa Verona, Italy.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali, mapanonood ang kuha ng CCTV ng museum habang nagpapakuha ng larawan ang isang babae sa silya na artwork.

Pero ang babae, hindi isinayad ang puwet sa upuan. Sumunod na nagpa-picture ang kasama niyang lalaki na tinutoo ang pag-upo sa artwork dahilan para masira ito.

Dali-daling umalis ang dalawang turista matapos ang insidente.

Obra ni Nicola Bolla ang “Van Gogh” chair, na nababalot ng daan-daang Swarovski crystals.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang turista.

Batay sa huling update ng museo, sinabi nito na naayos na ang naturang upuan. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News