Nagliyab at sumabog ang isang power bank habang nasa inspection table sa Roxas Airport sa Capiz.
Sa ulat ng GTV News State of the Nation nitong Martes, sinabing kumislap ang power bank habang sinusuri ang bagahe ng isang pasahero na papuntang Maynila.
Binugahan ng fire extinguisher ang power bank pero sumabog na dahilan para magkalasog-lasog at nag-iwan ng itim na abo sa sahig.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), wala namang nasaktan sa nangyaring insidente.
Napag-alaman na sobra sa itinakda ng CAAP na 160 watt-hour allowable capacity sa flight ang naturang power bank.
Sinabi umano ng pasahero na may dala ng power bank na pinayagan siyang dalhin ito sa flight mula sa Maynila. --FRJ, GMA Integrated News
