Isang kawatan ang nakabili ng mga mamahaling item matapos siyang magpanggap na may-ari ng mga credit card na pinaniniwalaang dinukot niya sa biktima. Ang kaniyang nagastos, umabot sa P499,000.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing unang nagtungo ang suspek sa tindahan ng alahas at bumili ng dalawang gintong bracelet sa halagang P105,000.
Pagkalipas ng 30 minuto, bumili naman siya ng cellphone na halagang P75,000. Lumipat siya ng shop at bumili ulit ng dalawang cellphone na tig-P47,000 kada isa.
Bago matapos ang araw, bumili pa ang kawatan ng kahon-kahong sigarilyo na halagang P14,000 at P22,000.
Bumili rin siya ng P26,000 halaga ng vitamins at gamot na donasyon umano niya sa charity.
Kinabukasan, bumili naman ang suspek ng dalawang relo at isa pang mamahaling cellphone.
Kumuha rin siya ng mga kahon ng vitamins na umabot sa halagang P10,000.
Ngunit nang babayaran na niya ito, declined na ang mga inabot niyang credit cards.
Ito rin ang oras na naipa-block na ng may-ari ang kaniyang mga card.
“Habang ongoing ‘yung pagba-block namin, mayroon at mayroon pa rin naggo-go through na transaction,” sabi ng anak ng may-ari ng credit cards.
Suspetsa ng anak ng may-ari, dinukot sa grocery store ang wallet ng kaniyang ama, kung saan nakalagay din doon ang mga ID nito.
“May sumiksik daw sa kaniyang isang person. ‘Yun, baka snatch ‘yung ginawa. Sure siya na hindi niya ‘yun nalaglag kasi nasa bag,” sabi ng anak ng may-ari ng pitaka.
Natuklasan na lang nila ang mga purchases matapos makita ng asawa ng biktima ang magkakasunod na notifications mula sa bangko.
Nakalusot ang suspek sa mga tindahan matapos magpanggap na may-ari ng mga ID at card, at ginaya pa ang pirma ng biktima.
Bukod sa mga nakuhanan sa CCTV, marami pang nabili ang suspek na hindi nakunan sa video.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.
“Happy rin kami na willing tumulong si bank. Tapos parang nakausap din naman namin, willing din silang mag-dispute pero baka hindi lahat. Ang lalaki kasi talaga ng purchases eh,” sabi ng anak ng may-ari ng credit card. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
