Nasawi ang itinuturing pinakamatandang marathon runner na si Fauja Singh, 114-anyos, matapos siyang ma-hit-and-run sa India, ayon sa ulat ng Reuters.

Nahagip ng sasakyan si Singh malapit sa kanilang barangay sa Punjab, India habang tumatawid sa kalsada.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy kung sino ang nakabangga sa kaniya.

Si Singh, na sinasabing ipinanganak noong 1911, ay nagawang tapusin ang Toronto Waterfront Marathon noong 2011 sa edad na 100.

Naitala niya ang kaniyang pinakamahusay na oras sa buong marathon sa parehong event noong 2003, at natapos niya ang karera sa loob ng limang oras at 40 minuto.

Gayunman, hindi siya naitala sa Guinness Book of World Records dahil sa kawalan ng birth certificate na makapagpapatunay ng kaniyang edad. Ayon sa ulat ng media noong 2011, wala pang tala ng kapanganakan sa India noong 1911.

"My 'Turbaned Tornado' is no more," ayon sa biographer ni Singh na si Khushwant Singh sa isang post sa X nitong Lunes.

"He was struck by an unidentified vehicle around 3:30 PM today in his village, Bias, while crossing the road. Rest in peace, my dear Fauja," saad nito.

Isang amateur runner sa kaniyang kabataan, nanirahan kalaunan si Singh sa London at nagsimula siyang tumakbo sa mga kompetisyon sa edad na 89. Nakatakbo siya ng ilan pang marathon at sumali rin sa mga 10-kilometrong karera bago siya nagretiro noong 2013.

"He was an exceptional athlete with incredible determination. Pained by his passing away. My thoughts are with his family and countless admirers around the world," saad ni India's prime minister Narendra Modi sa post sa X nitong Martes.—mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News