Naibenta sa halagang $5.3 milyon ang isang Martian meteorite na may bigat na 54 libra (24.5 kilo) sa Sotheby’s auction house. Mula sa pagiging pinakamalaking bahagi ng Mars na natagpuan sa Earth, ito na rin ngayon ang may hawak ng rekord bilang pinakamahal na meteorite na naibenta sa auction.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagkaroon ng 15 minutong matinding bidding war noong Miyerkules ang mga bidder online at sa telepono para sa naturang bato na tinatawag na NWA 16788.
"This is an amazing Martian meteorite that broke off of the Martian surface," ayon kay Cassandra Hatton, Sotheby's vice chairman at global head of science and natural history, bago ang subanta.
Natagpuan ang naturang pambihirang bato noong Nobyembre 2023 ng isang meteorite hunter sa disyerto ng Sahara, sa liblib na rehiyon ng Agadez sa Niger.
"The people there knew already that it was something special," ayon kay Hatton. "It wasn't until it got to the lab and pieces were tested that we realized, 'Oh my gosh, it's Martian.' And then when those results came back and we compared and saw, OK, it's not just Martian, it is the biggest piece of Mars on the planet."
Ayon sa mga siyentipiko, tinatayang 5 milyong taon na ang nakalipas mula nang tamaan ang Mars ng isang asteroid o kometa na naging dahilan para tumalsik ang mga bato at debris nito palabas ng planeta at napunta sa kalawakan.
"So it comes hurtling... 140 million miles through space, makes it through Earth's atmosphere," ayon kay Hatton, na nagsabing marami sa bahagi ng debris ang nasunog at nalusaw sa atmosphere.
"It's incredible that it made it through and then that it crashed in the middle of the desert instead of the middle of the ocean, in a place where we could find it, and that somebody who could recognize what it was found it,” dagdag pa niya. "So there's a whole kind of process or a layer of things that have to happen in order for this to become reality and be here in front of us."
Gaya ng Mars, may pulang kulay ang NWA 16788, at may mga palatandaan ng fusion crust na nakuha mula sa pagpasok nito sa atmosphere ng earth.
Tinatayang may 400 na opisyal na kinikilalang Martian meteorites sa mundo pero ang NWA 16788 ang pinakamalaki sa lahat. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News

