Nadiskubre sa isang rainforest sa Australia kamakailan ang isang insekto na itinuturing pinakamalaki at pinakamabigat na insekto sa naturang bansa na mahigit isang ruler ang haba.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing makikita sa mga puno at halaman ang naturang insekto na manipis ang katawan, at may kulay na berde o brown.

Tinatawag itong Walking Stick o Stick Insect.

Depende sa uri ng species, maaari itong humaba ng isa hanggang 12 inches o pulgada. Pero ang nadiskubre sa isang liblib na rainforest sa Australia kamakailan, umabot ng halos 16 inches ang haba at may bigat na 44 grams.

Dahil dito, siya na ang may hawak ng record sa Australia na pinakamabigat na insekto sa kanilang bansa.

Pinaniniwalaan ng mga eksperto na evolutionary response ang labis na paglaki ng naturang insekto dahil na rin sa malamig na klima sa lugar upang mabuhay siya.

Samantala, matatagpuan naman sa isang isla sa New Zealand ang may hawak ng world record bilang pinakabigat na insekto na isang buntis na Giant Weta o Deinacrida heteracantha, na mistulang tipaklong o kuliglig, na may bigay na 71 grams. – FRJ GMA Integrated News