Nahuli-cam sa San Jose del Monte, Bulacan kamakailan ang isang tricycle na umaarangkada sa kalsada na tila walang driver. Pero nang may makakasalubong itong bus, may biglang sumulpot mula sa sidecar.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na kuha ni Jhen Arandela, na nakabuntot noon sa tricycle habang binabaybay ang kalsada na bahagi ng Barangay Minuyan noong Agosto 6, 2025.

Sa video, makikita ang tricycle na tila umaandar nga na mag-isa. Pero nang may makakasalubong itong bus, biglang lumitaw ang driver na nasa loob pala ng sidecar at lumipat sa driver’s seat.

“Noong pumapatak na ang ulan, bigla siyang pumasok sa loob ng trike niya. Mga three to five minutes siguro siya sa loob kaya mabagal talaga ang takbo ko. Nag-assume na lang ako na ayaw niyang mabasa sa ulan,” ayon kay Jhen.

Kinabahan at nainis daw si Jhen lalo na’t may sakay pa umanong pasahero ang driver. Wala rin daw sumita sa driver sa ginawa nito na para sa kaniya ay mapanganib.

Sana raw ay inisip ng driver ang kaligtasan ng kaniang sarili at ng iba.

“Anything can happen sa isang segundo ng pagkakamali mo. Huwag isaalang-alang ang kaligtasan at aksidente na maaaring maiwasan,” saad ni Jhen. – FRJ GMA Integrated News