Nagdulot ng takot sa isang barangay ang sinapit ng isang dalagita na duguan, may mga kalmot sa braso at tila napunit ang tainga dahil umano sa atake ng pinaniniwalaang aswang sa kanilang bahay sa General Santos City. Tunay kaya ang kanilang hinala? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing kaniya-kaniya ngayon ng lagay ng bawang at asin ang mga residente dahil sa sinapit ng 12-anyos na si Jenn Ryzza “Ray-Ray” Recto.

Kuwento ni Ray-Ray, natulog siya noon malapit sa kanilang bintana, na walang takip kundi kurtina lamang. Ngunit pasado 1 a.m., dito na siya napasigaw.

“Bigla pong sumakit ‘yung tenga ko. Marami na po siyang dugo,” kuwento niya.

Marami ring kalmot at sobrang sakit ng kaniyang mga braso kaya rin siya napasigaw.

Nagising ang kaniyang mga tiyuhin dahil sa kaniyang iyak, at naabutan din siya ng kaniyang amang si Henry Recto, na kauuwi lang mula sa pamamasada.

“Gusto ko na pong magwala kasi naawa po ako sa anak ko. Kung sino mang may gawa, gusto ko na sanang suntukin. Hindi pusa o daga. ‘Yung sugat ng tenga ng anak ko, ang haba. Parang mahaba po ang kuko,” sabi ni Henry, na umakyat pa sa kanilang bubong upang tingnan kung may tao pero wala siyang nakita.

Dinala sa ospital si Ray-Ray para palinisan at saksakan ng anti-tetano.

Matapos ang insidente, pansamantalang nakitira si Ray-Ray sa bahay ng kaniyang tiyahin sa Barangay Lagao.

Ipinatingin din ni Henry ang anak sa albularyo.

“Noong ginagamot ko na siya, pinulsuhan ko muna. Nalaman ko na aswang. Nagkagusto sa kaniya ang aswang,” sabi ng albularyong si Rose.

Ang mga tiyahin naman ni Ray-Ray na sina Claudine Jean Recto at Jana, sinabing may koneksiyon ito sa kakaibang karanasan nila kamakailan.

“Mga around 12 midnight, nasarapan po kami sa pag-uusap. May bigla pong parang nahulog sa ibabaw ng bubong. May bigla pong parang nahulog sa ibabaw ng bubong. Malakas po. Siguro po palipat-lipat lang po dito sa lugar namin ‘yung sinasabing nilang aswang,” sabi ni Claudine.

Ang kabarangay naman nilang si Rowel Franco, nakaharap pa umano ang nilalang.

“Alas dos ng madaling araw, nag-cellphone lang ako. Pagtingin ko sa itaas, may malaking pakpak at matutulis ang mga kuko. ‘Di ako magkagalaw kasi nagkatinginan kami,” sabi ni Rowel.

Ilang mga taga-barangay na rin ang nagpatotoo na may kakaibang nilalang na lumilibot sa kanilang barangay.

“‘Yung buhok buhaghag na nakatayo then ang mata, pula. Tapos ‘yung ngipin niya is parang lagari,” sabi ni Janice Cabasan.

Si Janice, ikuwento na dalaga pa lang siya nang puntiryahin din siya ng aswang sa loob mismo ng kanilang tahanan. Tulad ni Ray-Ray, nagtamo rin siya ng mga kalmot sa katawan.

Tunghayan sa video ng KMJS ang pagpunta ng founder ng Davao Paranormal Society ang isang puno sa likod ng bahay nina Ray-ray na lungga umano ng aswang. Ang isang duktor, sinuri ang tinamong sugat sa tainga at mga kalmot ni Rey-ray at may hinala siya kung ano ang umatake sa dalagita. Alamin kung ano ito. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News