Sinalakay ng pulisya kamakailan ang isang kubo na hinihinalang pinagtataguan ng isang scammer sa bayan ng Escalante, Negros Occidental. At nang suriin, natuklasan ang isang bunker o underground shelter na pinaniniwalaan namang pinagtaguan ng natangay niyang mga pera mula sa mga biktima. Totoo kaya ito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing may lawak na limang metro kuwadrado ang hukay at nasa 15 talampakan naman ang lalim nito.

Ang tinderang si Rosalinda Pabuaya, sinabing kilala niya ang gumawa ng hukay na si Je-Ar Escares, na siya rin umanong nanloko sa kaniya.

Dating empleyado sa munisipyo si Escares at kilala ring manghihilot. Hanggang sa isang araw, nagtayo ang lalaki ng samahan na Alpha RL Omega World Peace Community Development Marshall Programme.

Sumali rito si Pabuaya matapos siyang mahikayat ni Escares kapalit ng mga pangako umano gaya ng lupa. Makukuha niya ang mga pangako kung kukuha siya ng special ID na nagkakahalaga ng P50.

Nakilala rin ni Pabuaya ang isang matandang lalaking nagngangalang King Tiburcio Tallano Tagean Marcos IV, na siyang founder at chairman umano ng Alpha Omega.

Bukod sa ka-apelyido si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kapatid umano sa ama ni Tiburcio ang pangulo.

“Si Tiburcio daw anak ni Ferdinand Marcos sa unang wife sa Spain. 'Yung asawa niya anak ni Queen Elizabeth si Enemecia Tallano,” kuwento ni Pabuaya.

Si Tiburcio rin daw ang nagmamay-ari ng Pilipinas.

‘’Yung mga lupa daw sa buong Pilipinas, binayaran sa mga Tallano ng $20 million sa 1949. Si Tiburcio daw, yan ang sole signatory sa Central Bank. Mag-imprenta daw ng pera na pambigay sa amin,” ani Pabuaya.

Kalaunan, tumigil nang magnegosyo si Pabuaya at humikayat pa ng iba na maging miyembro sa Alpha Omega.

Isa sa mga nakumbinsi ni Pabuaya na sumali ang tindera rin si Dina Nanquil, na bukod  sa bahay, lupa at mga sasakyan, pinangakuan din ng trabaho.

“Doon na daw kami sa Manila, uupo sa Malacañang, naniniwala naman po kami lahat. May mga document siya po na pinapakita sa amin,” sabi ni Nanquil.

Binayaran din ni Nanquil ang isang certificate na nangako ng isang 250 square meter na lupa, libreng eroplano, barko, bus, at hindi na kailangan ng visa kung lalabas ng ibang bansa.

Ang mga nalikom na pera ng mga miyembro, ipinadala daw nila kay Tiburcio.

Si Lilibeth Carballo, hinatak na rin sa samahan halos lahat ng kaniyang mga kamag-anak.

Ngunit ang mga pangakong pera na babalik umano, tila naging bato na, kaya kinompronta na nila si Escares.

“Pinagalitan po kami. Sinabi niya, ‘Kayo ang sisira sa organisasyon natin. Papatayin ko kayo.’ Sinabi niya, ‘Nagnakaw po kami ng P125,000.’ Sabi ko, ako pa nga, bumili ng damit niya, bumili ng pagkain niya, magbigay ng pera sa kaniya. Ako pa ang magnakaw?” kuwento ni Nanquil na usapan nila ni Escares.

Kalaunan, inaresto si Escares dahil sa six counts na syndicated estafa sa ilalim ng Article 315 of the Revised Penal Code.

Agosto 13 nang puntahan ng mga awtoridad ang kubo na itinuturong pinaglulunggaan ni Escares. Doon nila nadiskubre ang hukay sa loob ng kubo.

Noong mga oras na iyon, wala si Escares sa kubo at nasa tubuhan. Nagpaputok pa muna siya ng baril bago nahuli.

“Hindi po ako nagre-recruit. Wala naman ako pong hinihingi. Kung gusto kayo magpa-member nito, kayo ang magpapagawa ng ID, identity ninyo. Ang problema ma'am dahil ako ang team leader sa Negros, ako daw ay namemera sa mga mahihirap. Bibigyan daw sila ng lupa, bahay, sasakyan, pera. Hindi po ako ma'am ang nagsabi niyan. Kundi ang mga organizer na pumasok sa akin para makakolekta po sila ng pera,” depensa ni Escares, bagay na pinabulaanan ng mga miyembro.

Ayon naman sa pulisya, walang bisa ang mga dokumento na inisyu ng grupo.

Nahaharap si Escares sa patong-patong na kaso, gaya ng attempted homicide at direct assault na may 12 hanggang 15 taon pagkakakulong.

Ang sinasabing si Tiburcio Tallano Tagean Marcos IV, mayroon na ring warrant of arrest at kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad.

Tunghayan sa KMJS ang pagsuyod sa naturang hukay na pinagtaguan umano ni Escares, at hinihinalang lugar kung saan niya itinago ang mga nakolekta umano nitong pera sa mga miyembro? Panoorin ang buong ulat. – FRJ GMA Integrated News