Sapul sa CCTV camera ang pagpasok ng isang lalaki sa loob ng tindahan para tangayin ang isang pitaka sa Barangay Mayombo, Dagupan City. Pero ang suspek, isinauli ang wallet na may kasamang liham ng paghingi niya ng paumanhin sa kaniyang ginawang kasalanan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV camera na nakalap ng GMA Regional TV na maingat na binuksan ng lalaki ang sliding door ng tindahan noong Martes ng gabi.

Nang makakuha ng tiyempo, pumasok ang lalaki sa loob at mabilisang dinampot ang wallet na nasa sofa.

Naglalaman ng P3,000 na pera at ATM cards ang pitaka na tinangay ng lalaki.

Huwebes nang matagpuan ang ninakaw na wallet sa labas ng tindahan.

Hindi kinuha ang ATM cards, pero wala na ang laman na pera.

May kalakip din itong sulat na humingi ng tawad ang suspek at idinahilan na nagipit lamang siya kaya ginawa ang pagnanakaw. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News