Ipinakita ni dating Bulacan First District Engineer Brice Hernandez ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagdinig ng komite sa Kamara de Representantes nitong Martes, ang isang larawan na makikita ang bulto-bulto ng pera na nasingil umano sa flood control projects.

Ayon kay Hernandez, mapapansin na may papel sa ibabaw ng mga bulto ng pera na nakasaad kung para kanino umano ang pera.

“Sa office po namin yan, sa Bulacan First District Engineering Office. Ang context po niyan is kung makikita niyo po, magkakahiwalay po yung pera. May mga designated person po na pagbibigyan yan, Your Honor,” ani Hernandez.

"Kung maalala ko po, ako po ang nag-picture nito. Kasi diyan lang po ako nakakita ng ganyan karaming pera. First time ko po ‘yan, pinikturan ko, natuwa po ako. And that's for, inaayos po ni boss ‘yan,” dagdag niya, patungkol kay dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na boss niya.

Gayunman, hindi tinukoy ni Hernandez kung para kanila ang bawat bugkos ng mga pera.

“Hindi ko po alam kung sino. Basta kami po inuutusan lang po na ayusin ‘yung mga pera. Itong amount na to para sa ganito, ihanda mo dyan. May pagbibigyan yan. Ganun lang po,” paliwanag niya.

Isang larawan pa ang ipinakita na halos napuno na ng pera ang lamesa ng bilyar, na ayon kay Hernandez ay kuha naman sa "tambayan" ng kanilang grupo kung saan dinadala rin ang pambayad sa mga "proponent" ng mga proyekto na si Alcantara umano ang nakakaalam kung para kanino.

Ayon kay Alcantara, sa bahay umano ng isang nangongontrata nakuhanan ang naturang larawan.

Binanggit niya na ang pera ay para sa mga nangongontrata at may-ari ng lisensiya na hiniram sa paggawa ng proyekto.

“Yan po your honor gaya ng nasabi ko, hindi ko po alam ang tunay na arrangement nila nung totoong may-ari ng lisensiya saka po yung gumawa,” paliwanag ni Alcantara nang tanungin kung bakit napakaraming pera sa lamesa kung hindi naman cash ang ibinabayad ng DPWH sa mga nangongontrata.

Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, inihayag ng kontratista na si Sally Santos ng SYMS Construction, na naghahatid siya ng mga bulto ng mga pera na nakalagay sa mga kahon sa opisina ni Hernandez.

Ayon kay Santos, maaaring umabot ng P1 bilyon ang perang naihatid niya sa opisina ng DPWH sa nakalipas na tatlong taon.-- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News