Ipinakita ng isang aso ang kabayanihan nang ituro niya sa isang pulis ang kinaroroonan ng isang lola na hindi nakauwi sa kaniyang bahay kaya labis na nag-aalala ang kaniyang asawa sa Florida, USA. Ang lola, natumba pala habang naglalakad at hindi na makatayo.

Sa video ng Okaloosa County Sheriff’s Office na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang pag-aalala ng isang lolo dahil hindi pa bumabalik ang kaniyang asawa matapos na ilakad ang aso ng kanilang anak.

Agad namang hinalughog ng deputy sheriff ang lugar, hanggang sa magpakita at lapitan siya ng aso na si “Eoyore,” na tila may gustong sabihin.

“When he initially came up to my car, his tail was wagging so he seemed happy but he was panting,” kuwento ni Deputy Devon Miller ng Okaloosa County Sheriff’s Office.

Hindi makapaniwala si Miller sa mga sumunod na kaganapan, na inakala niyang sa pelikula lamang mapanonood.

Habang hawak ni Miller ang leash ni Eoyore, naglakad ang aso patungo sa kinaroroonan ng lola na natumba pala noon at hindi na makatayo.

“She’s laying here on the sidewalk, alert and conscious but she may have injured herself,” pag-ulat ni Miller matapos niyang matagpuan ang lola.

Ang lola, napatanong kung saan nanggaling ang officer, at nagtataka kung paano siya nahanap.

“I was in front of that house right there, and then the dog ran up to me,” sagot ni Sheriff Miller sa lola.

“And the dog brought you?” muling tanong ng lola.

“Good boy! Very good boy!” tugon ni Sheriff Miller.

Dahil dito, hindi itinago ng lola ang kaniyang pasasalamat sa aso ng kaniyang anak.

“Oh, sweetheart. I’m not even his owner. I’m his grandmother,” anang lola.

Dito na tumawag ng emergency medical service si Miller at isinugod sa isang medical facility ang lola.

Wala pang linaw sa mga ulat kung ano ang tinamong injury ng lola. Ngunit ayon kay Miller, maayos na ang lagay nito at nagpapalakas sa kanilang bahay sa Florida.

“Eeyore is the main hero here. He deserves lots of belly rubs. He deserves a steak dinner. That dog did everything. He’s a street hero,” sabi ni Miller.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News