Pinuna ng mga residente at opisyal ng barangay ang puwesto ng portable weighing scale para maiwasan ang pagdaan ng overloaded trucks sa Rio Chico Bridge sa konektado sa Nueva Ecija at Tarlac. 

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nakalagay ang portable weighing scale sa Sta. Rosa–Tarlac Road sa Barangay Sto. Rosario Young sa bahagi ng Zaragoza.

Pero dapat umanong ilagay ang timbangan sa kabilang bahagi ng La Paz, Tarlac dahil doon umano nanggagaling ang mga truck na may mga karga ng buhangin o lahar bago dumaan sa tulay.

Dahil dito, nakadaan na umano ang truck sa tulay bago pa masuri ang karga sa portable weighing scale kung sakaling overloaded ang karga nito.

Nangangamba ang mga residente at opisyal ng barangay na baka masira ang tulay kapag hindi naagapan ang pagdaan ng mga overloaded na mga truck.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH)–Nueva Ecija 1st District Engineering Office, dati umanong nakapuwesto ang timbangan sa La Paz, Tarlac.

Pero inilipat ito sa Zaragoza dahil nagrereklamo umano ang mga residente sa alikabok na mula sa mga buhangin o lahar kapag binawasan ang karga ng mga truck.

Pag-aaralan umano ng DPWH ang kahilingan ng barangay na ilipat mula ang timbangan ng mga truck.—FRJ GMA Integrated News