Naudlot ang tangkang panloloko ng isang scammer matapos mabisto ng ider na pi-pickup ng item at ng pagkukunan niyang seller ang planong modus ng nagpanggap na kliyente.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng vlogger na si “MotoBlack,” na nagdududa na sa simula pa lamang dahil sa natanggap niyang booking bilang rider.
Batay sa video, una nang red flag na pinapa-abonohan sa kaniya ng kaniyang kausap ang halagang P1,800 na pi-pickup-in na produkto ng seller.
Nag-book ang kaniyang kausap sa halagang P445 at may tip pa raw na P120.
Pag-pickup ng rider sa ide-deliver na item, napareklamo siya sa seller dahil sa isa pang red flag.
“Ang kulit niya sir, nagmamadali siya. Chat nang chat. ‘Nasaan ka na? Nasaan ka na?’” kuwento ng rider.
Tinanong ng seller ang rider kung kamag-anak niya ang nag-book, bagay na itinanggi ng rider.
Matapos mapag-usapan ang kakulitan ng nag-book, may nabuking ang seller at rider.
“‘Huwag ka na lang maingay doon sa kausap mo,’” ayon sa seller na hiling daw sa kaniya ng ka-chat na scammer.
Ayon sa seller, bibilin daw ng client na hinihinalang scammer ang kaniyang item sa halagang nasa P1,000 lamang.
“Ay sir scam ‘yan!” sambit ng rider, kaya tila binuhusan nang malamig na tubig ang seller at mukhang hindi pa makapaniwala sa umpisa.
Doon pa pinagtagpi-tagpi ng seller at rider ang mga pangyayari hanggang sa mabuking ang modus ng scammer.
Ayon sa seller, sinabihan siya ng scammer na pinsan niya ang rider na pi-pickup at mag-aabono sa item na dapat niyang singilin ng halagang P1,800, gayung P1,100 lang ang item.
Ang sobrang P700 na masisingil mula sa rider, dapat daw ipadala ng seller sa scammer bilang kickback niya sa transaksiyon.
“Ang laki ng booking, P445. Cainta lang ‘yan, 9 kilometers, wala pang 20 minutes. Tapos magti-tip pa siya ng P120 so madaling-madali siya,” anang rider.
“Ang sabi niya sa akin, ‘Bossing huwag kang maingay sa pinsan ko,’” kuwento naman ng seller.
Nang suriin ang profile ng scammer, nakita nilang wala itong likes at puro mga screenshot lamang ang laman.
“Ayun P95 lang ang delivery fee. ‘Yung tip niya, P350. Nag-tip pa siya ng P120. Anong kikitain niya ‘pag nagsend pa kayo ng P700? P200? Scam,” anang rider.
Sa huli, nabokya ang scammer dahil sa pagtutulungan ng rider at sender.
Ipinost ito ng rider upang paalalahanan ang mga online seller at mga kapuwa delivery riders na mag-usap muna para matukoy ang tunay na presyo ng ipadadalang items upang hindi mabiktima ng mga manloloko. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
