Muntik nang maging “kuwento” at mahagip ng tram (uri ng tren) ang isang babae na tatawid sana sa riles habang may suot na earphones at may hawak na gadget. Mabuti na lang at alisto ang security guard sa lugar.

Sa video ng Kayseri Transportation na iniulat ng Reuters, makikita ang babae na nakatingin muna sa kaniyang hawak na gadget na tila cellphone habang hindi pa tumatawid sa riles noong Martes, Oct. 14, 2025.

Maya-maya lang, naglakad na siya patawid habang nakatingin sa kanang bahagi ng direksyon at hindi niya napansin ang padating na tram mula sa kaliwa niya.

Isang hakbang na lang at tatamaan na sana siya ng paparating na tram pero mabuting nahatak ng isang security guard ang babae.

Sa lakas ng pagkakatak sa kaniya, natumba ang babae sa sahig pero maayos naman ang kaniyang kalagayan at muli ring nakatayo.

Sa kuha rin sa loob ng driver seat ng tram, makikita ang pagkabigla ng driver na kaagad ding nakapreno.

Sa dulo ng video, mapapansin na tila kinamayan ng babae ang security guard, habang nagpatuloy sa biyahe ang tram. – FRJ GMA Integrated News