Habang isinasagawa ang eksorsismo sa isang babae sa loob ng simbahan, bigla siyang sumuko umano ng mga pako, staple wire at alambre. Ang babae, binarang umano ng kalaguyo ng kaniyang mister. Alamin ang buong kuwento.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang footage mula sa Jesuit Communications sa isinagawang exorcism rites ng Archdiocese of Manila - Office of Exorcism sa hindi pinangalanang babae.

Ayon kay Sister Lei Macoy, dating miyembro ng naturang exorcism team, nagdadasal sila noon nang sabihin ng babae na nasusuka siya. Kaya naman lumapit umano siya at itinapat ang plastic bag sa babae.

Ngunit sa halip na ang kinain ang iniluwa mula sa bibig nito, ikinagulat nila ng mga kasamang pari nang sumuka ng pako ang babaeng sinapian umano ng demonyo.

“Lumabas sa katawan niya, hindi lang sa bibig niya. Saan nanggaling ito?” komento ni Reverend Father Roberto dela Cruz, exorcist ng Archdiocese of Manila tungkol sa insidente.

Si Reverend Father Michell Joe Zerrudo, exorcist ngayon ng Diocese of Cubao, at isa sa mga pari na naroon noong maganap ang pagsuka ng pako ng babae, inilarawang may nararamdaman noon ang babae sa tiyan.

Habang dinadasal ni Father Michell ang rituwal, nagsabi ang babae na tila gusto nitong sumuka.

“Sumuka siya nang sumuka. Ipinagpatuloy ko ‘yung panalangin ko sa kaniya. Ang sabi niya ‘Time out, time out.’ Puwede ba siyang mag-CR?” kuwento ni Father Michell.

“‘Father, Father, tingan mo, tingnan mo ‘yung suka. ‘Yung plastic bag ay tuyong tuyo.’ Pero ang laman noon ay mga pako, alambre, barbed wire, staple wire, thumbtacks,” dagdag ni Father Michell.

Nagtungo rin umano sa banyo babae, nagkalat din doon ng mga pako at iba pang matutulis na bagay.

“’Sino ba ‘yung gumamit ng CR kagabi? Ang baboy ng gumamit?’ [May] pako, staple wires, thumbtacks, alambre, apparently lumabas sa kaniyang ari,” ani Father Michell.

Paliwanag ng pari, isa itong uri ng barang.

“Ang tawag diyan ay barang. Ang naging discernment sa kaniya, pinakulam siya,” anang pari.

“‘Yung mangkukulam ay kumukuha ng isang garapon at inilalagay niya sa loob ng garapon ang lahat ng gusto niyang pumasok sa iyong katawan. Sa oras ng eksorsismo, lalabas ‘yan,” dagdag ni Father Michell.

Paliwanag ng babaeng nabiktima ng barang, ang kalaguyo ng kaniyang mister ang may kagagawan nito.

“Mind you, ikaw na ang kabit, ikaw pa ang nagpakulam sa legal na asawa,” sabi ni Father Michell.

Tunghayan ang kuwento ng babaeng sumuka ng mga pako at iba pang kuwentong kababalaghan sa “KMJS Halloween Special - Pinoy Demon Hunters.” Panoorin. – FRJ GMA Integrated News