Dahil umano sa pagbusina ng driver ng kotse sa siklistang nasa gitna ng daan sa halip na nasa bike lane, nagkainitan sa kalsada ang dalawa sa Marikina City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita na nakatigil sa gitna ng kalsada ang kotse habang nagsusuntukan umano ang dalawa sa loob ng sasakyan sa Hill Fernando sa Barangay San Tolino noong Martes.
Ayon sa isang saksi, nagalit ang siklista sa ginawang pagbusina sa kaniya at sinugod ang driver ng kotse.
Tinangka naman silang awatin ng mga tao, pero nagpatuloy ang girian nang tangkain umano ng siklista na umalis kaya naman hinawakan ng driver ang bisikleta nito.
Ayon sa pulisya, ipinaliwanag ng 40-anyos na siklista na may iniwasan siyang basa o tubig sa gilid ng kalsada kaya nasa gitna siya.
Hinabol umano ng siklista ang 41-anyos na driver dahil sa mga sinabi nito na hindi maganda sa kaniya. At nang abutan, iniharang niya ang bisikleta sa daan at sinugod ang driver.
Wala namang tinamong pinsala ang bisikleta at kotse, at sa huli at nagpasya ang dalawa na ayusin na lang ang nangyari sa kanila.
Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na maging mahinahon at mapagpasensiya kapag nasa kalsada para makaiwas sa gulo. – FRJ GMA Integrated News
