Habang mga gamit ang bitbit ng ibang lumikas matapos bahain ang kani-kanilang mga bahay, ang isang pamilya sa Tuao, Cagayan, ang ataul na laman ang nakaburol nilang lolo ang kanilang tanging naisalba.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mga residente sa Barangay Barancuag na naging mabilis ang pagbaha sa kanilang lugar dahil sa pag-apaw ng Chico river.

Kuwento ni Britney Bustillos, nang bahain ang kanilang bahay, inilipat nila sa kalsada ang burol ng kanilang lolo. Pero inabot pa rin ng baha ang kalsada kaya muli nila itong inilipat ng lugar.

Ayon sa isang residente, hindi nila inasahan ang mabilis na pagtaas ng tubig at unang beses nilang naranasan ang ganoong katinding baha.

Sa ilang larawan na naka-post sa social media, may baha na halos umabot na sa bubungan ng mga bahay. May kasama ring mga torso at debris ang tubig.

Kaya ang mga residente, napilitang lumikas papunta sa mas mataas na bahagi ng kalsada pero inaabot pa rin sila ng tubig hanggang sa tuluyan na silang ma-isolate.

“Hanggang ngayon hindi pa po kami kumakain. Wala po kasing maka-rescue sa amin kasi po malalim, napalibutan na po kami ng tubig, ayon kay Bustillos.

Pero bago magtanghali nitong Lunes, nagsimula na umanong humupa ang baha.  

Si Bustillos, nanawagan ng tulong para sa mga katulad niyang nasalanta ng bagyo, lalo na ang mga walang isalbang gamit.

“Sana po kahit man lang kaunting tulong, mga damit ganun po ang ibibigay. Food at saka tubig,” apela niya. – FRJ GMA Integrated News