Mukha mang yucky sa paningin ng iba, pero sure daw na yummy sa lasa at masustansiya pa ang bulateng-dagat na ito na kung tawagin ay “sasing.” Kakasa ka ba na ito’y tikman?
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” sinabing may kakaibang hugis ang katawan ng sasing na kinakain ng ilang residente sa Lanao del Norte kahit pa hilaw.
Tila nag-iiba rin ng anyo ang bulate na kayang pahabaan at paliitin ang kaniyang katawan.
May dalawang bahagi ang katawan ng sasing – ang trunk o mas matabang parte, at introvert o mas payat.
Retractable ang kanilang introvert, kaya naipapasok nito sa loob ng katawan para sila lumiliit, at ilabas ulit kapag kailangan. May tentacles ito sa dulo na nagsisilbing bibig kaya makapit ito sa buhangin.
Paliwanag ni Nonie Enolva, OIC ng MFRMS - Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, may English name na “peanut worm” ang sasing dahil sa hitsura nito na nagmumukhang butil ng mani kapag pinaliit ang kaniyang ang katawan.
Kung minsan, nagmumukha rin siyang ari ng lalaki, ayon pa kay Enolva.
Sagana ang mga sasing sa karagatan ng Kolambugan.
Eksperto sa panghuhuli ng sasing ang binatang mangingisda at vlogger na si Alvin Tubonganua. Paborito raw niya at kaniyang pamilya nag awing kinilaw ang bullate.
Pero bakit sa dagat nakikita ang ganitong klase ng bulate? Paliwanag ni Enolva, “May sariling phylum o grupo ang mga sasing. Ito 'yung tinatawag natin ng phylum Sipuncula. Samantalang ang mga bulate ay nabibilang po doon sa tinatawag natin ng phylum Anelida o mga segmented worms.”
“Ang sasing ay walang segmentation o 'yung mga guhit-guhit o pagkaputol ng kaniyang katawan,” sabi pa ni Enolva.
Mainam na pagkukunan ng protein ang sasing, at mayaman din ito sa minerals gaya ng zinc para sa immune function, iron na sumusuporta sa blood formation, at naka-iiwas sa anemia, at calcium nagpapalakas ng buto at nerve function.
Ngunit paalala ni Anolva, “Generally, hindi ligtas kainin ang hilaw na sasing. Dahil mataas ang risk ng bacterial contamination dito, lalo na kung ang pinagkukunan nito ay nasa mga polluted areas. So puwede rin kasi magkaroon nito ng mga vibrio, mga E. coli, o kaya salmonella.”
Tunghayin sa video kung papaano hinuhuli ang sasing, paano linisin, at paano lutuin na may sabaw. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News