Nabisto ng may-ari ang tangkang pagnanakaw sa kaniyang tindahan matapos niyang mapansin na may “naligaw” ang isang case ng beer sa salansan ng mga case ng softdrinks sa Valenzuela City.

Sa CCTV footage sa tindahan ni Hazel Gay Daguio Desamito, na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang maayos ang pagkakasalansan ng mga bote at case ng inumin. Ngunit nagtaka siya na may case ng beer na nakalagay sa ibabaw ng mga sotfdrinks.

Dahil dito, nagpasiya ang mga may-ari ng tindahan na suriin ang kuha ng CCTV camera at doon nakita ang isang lalaki na umakyat sa gate at naghalungkat ng kaniyang mananakaw.

Unang hinalughog ng lalaki ang mga drawer ngunit wala siyang napala dahil wala itong laman.

Nang walang makuhang pera sa istante, nag-ikot-ikot ang lalaki sa bodega at naghanap ng maaaring matangay.

Tinangka niya ring buksan ang gate, ngunit hindi niya ito nabuksan dahil naka-double padlock.

Dahil walang mapaglulusutan ng inumin ang lalaki, naisip niyang ipatong ang isang case ng beer sa salansan ng softdrinks bago siya muling umakyat ng gate.

Ilang sandali siyang nanatili sa tuktok ng gate ngunit hindi na niya kinuha ang case ng beer.

Hinala ng mga may-ari, hindi na kinuha ng kawatan ang case ng beer dahil mabigat at hindi niya mabubuhat.

Sinabi ng uploader ng video na may kasama ang lalaki sa labas ng gate na siyang nagsilbing lookout.

Sa huli, umalis ang mga salarin na walang nakuha mula sa tindahan.

“Buti na lang talaga, naka-double padlock pa rin sa gate namin kundi tangay lahat, baka pati dalawang kolong,” sabi ni Desamito.

Ipinost ng may-ari ng bodega ang CCTV sa pagbabakasakaling may makakilala sa lalaki.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News