Suspendido sa trabaho ang isang traffic enforcer matapos mabuko sa video ang pangongotong umano niya sa isang delivery rider na sinita niya sa "one way" na may oras daw na hindi puwedeng daanan sa Cagayan de Oro City.
Sa video ng Rasta Vlog na iniulat sa GMA Regional TV at GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang pagharang ng enforcer sa delivery rider, na pumasok sa isang kalsada na one-way.
“Wala namang nakabantay doon na one-way pala. Hindi visible ang signage,” anang rider.
Sa video, pinatabi ng enforcer ang rider at kinuha ang kaniyang lisensiya.
Tila emosyonal ang rider habang nagpapaliwanag ang enforcer tungkol umano sa kaniyang violation.
Ilang saglit pa, pinalipat ng enforcer ng puwesto ang rider. Nagtanong ang enforcer kung saan papunta ang rider, at sumagot ang rider na maghahatid siya ng pagkain.
Pero sinabi ng enforcer na may naitakdang oras na hindi puwedeng pumasok doon ang mga motorista, bagay na hindi alam ng rider.
“Dahil sa iyong violation, bibigyan kita ng ticket. Bayaran mo sa city hall. Sa violation mo, ang babayaran ay P1,500,” anang enforcer.
“Wala talaga akong pera sir,” sabi ng rider.
Ilang saglit pa, mapanonood sa video ang paghugot ng rider ng pera at iniabot sa enforcer kapalit ng pagsauli ng kaniyang lisensiya.
“Wala akong sinabi na, ‘Sir, huwag niyo na lang akong tiketan at bibigyan kita ng pera.’ Ako’y nakiusap pero wala akong sinabi na may kapalit. Sabi ko ‘Wala akong pera boss. Ito lang P200 na isusukli ko sa customer.’ Wala akong choice dahil ako’y delivery, mayroon pang tumatawag na delivery,” sabi ng rider.
Napag-alaman na tauhan ng Roads and Traffic Administration (RTA) ang enforcer.
Batay sa mga lokal na ulat, P200 ang inabot ng rider sa enforcer.
Nakarating sa RTA ang pangyayari at agad nilang ipinatawag ang enforcer. Posible siyang matanggal sa serbisyo kung mapapatunayang humingi o tumanggap siya ng pera o suhol mula sa mga traffic violator.
“While ongoing ang investigation, wala muna siyang duty hanggang magkaroon ng final na desisyon sa investigation,” sabi ni Councilor Eric Salcedo, RTA overseer.
Hindi sinabi ng RTA kung may posible ring violation ang rider matapos niyang abutan ng pera ang enforcer.
Wala pang ibinibigay na pahayag ang enforcer kaugnay ng insidente.
Depensa ng rider sa kaniyang post, napilitan siyang mag-abot ng pera dahil sa pagmamadali.
Ayon sa Revised Penal Code, hindi maaaring magbigay ang mga pribadong indibiduwal ng regalo, pangako o anumang alok na magiging dahilan para gumawa ng katiwalian ang isang public officer.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
