Mapalad ang isang tricycle driver na nakaiwas na tamaan ng isang malaking gulong na natanggal mula sa isang bumibiyaheng truck sa Dagupan City, Pangasinan. Pero ang mga nakapadang isang kotse at isang motorsiklo, nasapul.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa dashcam footage ng isang nakaparadang sasakyan, ang mabilis na pagdating ng isang malaking gulong sa Old De Venecia highway sa Barangay Lucao sa Dagupan City.
Ang gulong, naiwasan ng isang bumiyaheng tricyle, pero tinamaan ng gulong ang nakaparadang sasakyan na nakakuha ng video sa insidente. Pagtama sa kotse, tumalbog ang gulong at tinamaan isang motorsiklo na natumba pa.
Ayon sa saksi, galing sa isang truck ang gulong at mabuting naalerto niya ang tricycle driver para maiwasan ang paparating na gulong.
Wala namang nasaktan sa insidente, at wala ring masamang nangyari sa driver ng truck na nawalang ng isang gulong.
Nagkausap na umano ang may-ari ng truck at may-ari ng mga sasakyan na tinamaan ng gulong para maipaayos ang pinsalang tinamo ng mga ito. – FRJ GMA Integrated News
