Naging palaisipan sa isang babae ang pagkawala ng mga perang papel na kaniyang itinatabi. Pero nalutas ang misteryo nang minsan maglinis sila ng bahay at mapansin na may butas sa kanilang sofa.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ni Nami Cho, residente sa Caloocan, na iniiwan lang niya ang mga perang papel sa ibabaw ng kanilang furniture pero unti-unting nababawasan.
“Naglagay po ako ng pera sa computer po namin P500 na buo, tapos tatlong P100. Tapos nung February 12 ng umaga, paggising ko, pagbaba ko, wala na po yung P500. Tapos P300 na lang ang natira,” ayon kay Nami.
Ngunit bago pa man nawala ang P500 na perang buo, napansin na raw ni Nami na nagkukulang na ang inilalapat niyang pera gaya ng mga tig-P50, P100 na papel.
Ang kaniya raw partner at dalawang anak lang ang kasama niya sa bahay, na itinanggi ng mga ito na sila ang kumukuha ng mga pera.
Hanggang isang araw, naisipan nilang maglinis ng bahay, napansin nila ang butas sa gilid ng kanilang sofa. Nang suriin nila ang butas, nagulat sila sa nakita nilang laman nito sa loob—mga tissue, pabalat ng pagkain, at ang mga nawawalang pera.
Ayon kay Nami, ilang sa mga nauna nilang nakitang papel na pera sa butas ay tig-P50, hanggang sa nasundan ng tig-P100, at may P500.
Dito na nila napagtanto na daga pala ang kumukupit sa itinatabi niyang pera.
“Yun pala yung ginagawa nung daga, iniipon niya yung pera doon sa may loob ng upuan namin,” sabi ni Nami na umabot umano sa P1,300 ang pera na nakuha nila sa butas ng sofa.
Hinala ni Nami, may iba pang taguan ng pera ang daga dahil may P500 na papel pa siyang nawawala.
Dahil sa nangyari, mas naging maingat na raw si Nami sa paglalapagan niya ng gamit at pera para hindi na makupitan ng daga.—FRJ GMA Integrated News
