Patay ang isang babaeng pulis matapos siyang barilin ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Mandaue City sa Cebu. Ang mga suspek, nakita sa CCTV camera habang binubuntutan ang biktima bago nila paslangin.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing sakay ng motorsiklo at pauwi na sana ang 31-anyos na si Police Officer 1 Mae Sasing sa bayan ng Consolacion, nang barilin siya ng dalawang salaring nakasakay din sa motorsiklo sa Barangay Basak sa Mandaue City nitong Martes ng gabi.

Isinugod sa ospital si Sasing pero idineklarang dead on arrival.

Hinala ng mga imbestigador, planado ang pagpatay kay Sasing dahil nakita sa CCTV ang dalawang suspek na nakasunod sa biktima sa JP Rizal pa lang sa katabing barangay ng Tabok.

Personal na alitan ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa krimen.

Napag-alaman na dating sinampahan ng reklamo si Sasing at kaniyang mga kapatid ng nakaaway nilang kabarangay dalawang taon na ang nakalipas.

Nitong nakaraang linggo, nagkaayos daw ang dalawang kampo.

Nakadestino si Sasing sa Public Safety Company sa Lapu-lapu City, at mayroong isang anak na pitong-taong-gulang pa lang. -- FRJ, GMA News