Nais ng ilang Pinoy na nasa India na umuwi na sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagdami ng hawahan ng COVID-19 doon. Ang ilan sa kanila, ikinuwento kung gaano kalubha ang sitwasyon ng mga pasyente roon dahil napupuno na ang mga ospital.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GTV "State of the Nation" nitong Martes, sinabi ni Fatima Sharma, Pinay na naninirahan sa India, may mga kababayan siyang nais nang bumalik sa Pilipinas.

"Ang situation in India is worse. I think. This is worse than last year," ani Sharma.

Sinabi naman ni Anabelle Villamarin, school principal na nasa Haryana, may mga nababalitaan siya na ang mga asawa na lang ang nagsasagawa ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) sa kanilang kabiyak dahil sa dami ng mga nagkakasakit.

May nakita rin umano siyang mga tao na iniiwan na ang kanilang mga kaanak sa driveway dahil hindi na nila kayang asikasuhin.

ADVERTISEMENT

Gaya ni Sharma, sinabi ni Villamarin na karamihan sa mga kakilala niyang Pinoy sa India ay nais nang bumalik sa Pilipinas.

"Siyempre kailangan magkaroon ng safety precautions. Hindi kami makalabas, even going to the airport. Lahat halos ng kilala kong Pilipino gusto na umuwi," saad niya.

Una rito, iniulat ni Philippine Ambassador to India Ramon "Dondon" Bagatsing na dalawang Pinoy ang nasawi sa COVID-19 sa India, at may 20 pang ginagamot.

Nasa mahigit 2,000 umano ang Pinoy na nasa India.

Nitong Martes, inanunsyo ng pamahalaan ang pagpapatupad ng 14-day travel ban simula sa Huwebes para sa lahat ng manggagaling sa India, at may history nang pagbiyahe rito.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi," makikita ang ilang tagpo sa labas ng isang templo sa India na nagmistulang ospital dahil sa dami ng pasyente.

Ang naturang templo ay nag-aalok umano sa mga pasyente na nangangailangan ng oxygen.

Ayon sa US-based John Hopkins University COVID-19 tally, mayroong 17,636,186 total cases ng COVID-19 ang India. 

Pumalo naman sa mahigit 300,000 ang mga bagong kaso na naitala nila sa loob lang ng dalawang magkasunod na araw. — FRJ, GMA News