Makaraan ang 26 na taon mula nang mawala, matunton na ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," si Philip Fariñas. Pero mangibabaw kaya ang pangungulila sa puso ni Philip sa harap ng kaniyang pagtatampo sa mga kapatid na inakala niyang ngayon lang siya hinanap?
Sa nakalipas na tatlong linggo, tinutukan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang paghahanap kay Philip Fariñas, tubong Ilocos Sur, na nawala sa Maynila nang dalhin doon ng ama noong December 1990.
Sa tulong ng ilang impormasyon mula sa netizens, walang pagod na hinanap ng "KMJS" si Philip hanggang sa matunton na sa Davao City.
Ikinuwento ni Philip na naglalaro siya noon nang may makita siyang mga bata na kaniyang sinamahan. Pero hindi na niya malaman kung papaano siya babalik sa kaniyang ate, hanggang sa tuluyan na siyang nawala.
Nakarating ang batang Philip sa Caloocan at doon ay isang barangay tanod ang umampon sa kaniya. Pero ipinaampon din muli si Philip sa kapitbahay na si Maam Ruth, at kinalaunan ay dinala naman siya sa Davao City sa pangangalaga ng kapatid nitong si Maam Evelyn.
Hindi na raw maalala ni Philip ang hitsura ng mga kapatid niya pero inilabas niya ang sama ng loob dahil sa akalang ngayon lang siya hinanap ng mga ito.
Sa kaniyang pag-iisa, natutong lumaban sa buhay si Philip at minsan din daw naligaw ng landas nang iwan siya ng kaniyang kinakasama at dinala ang kaniyang anak.
Sa pamamagitan ng "KMJS," sinamahan nila si Philip na balikan ang mga taong naging bahagi ng kaniyang buhay, mula kay Maam Evelyn na nag-aruga sa kaniya sa Davao.
Matapos nito, lumawas sila sa Maynila kung saan nakakitang muli ni Philip ang tanong umampon sa kaniya sa Caloocan City. Sunod nito ay tinahak na nila ang Bulacan kung saan nakatira ngayon ang kaniyang mga kapatid.
At kahit na may tampo siyang nararamdaman sa simula, hindi na rin napigilan ni Philip na maiyak nang yakapin na siya nang mahigpit ng mga nangungulilang kapatid na matagal na panahong naghanap sa kaniya.
-- FRJ, GMA News
Click here for more GMA Public Affairs videos:
