Sa pagdiriwang ng Father's Day, inalala ni Gabbi Garcia ang payo sa kaniya ng ama tungkol sa pakikipagrelasyon na huwag kalimutan ang sarili at ang kaniyang indibidwalidad.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras nitong Sabado, inihayag ni Gabbi na namana niya ang kaniyang pagiging sporty at adrenaline junkie sa kaniyang ama.

Kaya naman may side na pagka-cowboy din si Gabbi, bukod sa side niya ng kagandahan at pagiging fashionista.

ADVERTISEMENT

"Nagba-bike kami, nagfa-firing kami, nagda-dive kami. Lahat ng sa side ng pagiging adventurous ko, si daddy talaga 'yung kasama ko," sabi ni Gabbi.

Inamin ni Gabbi na daddy's girl siya kaya Father's Day o hindi, lagi niyang inaalala ang mga turo ng kaniyang ama, tulad ng mga bilin sa pagpasok sa relasyon.

"Don't forget who you are. Never forget yourself and kahit na nasa relationship kayo may individuality pa rin kayo. Na-appreciate ko lahat ng mga advice na binibigay nila sa akin at 'yung guidance nila, kaya na-appreciate ko na okay din 'yung relationship nila with Khalil. It makes life so peaceful," anang Kapuso actress.

Bumalik sa Bohol sina Gabbi at Khalil Ramos kasama ang kani-kanilang mga pamilya.

"Ang babait po kasi ng mga tao sa Bohol. Talagang whenever we go there, we feel so welcomed. Kaya lagi namin silang binabalik-balikan," sabi ni Gabbi.

Nagpapasalamat si Gabbi sa mainit na pagtanggap ng viewers sa pilot week ng "Love You Stranger." – Jamil Santos/RC, GMA News