Isang linggo lang nanatili sa Pilipinas si AiAi delas Alas para pumirma ng bagong kontrata bilang isang Kapuso. Pagkatapos nito, bumalik na rin kaagad ang aktres sa Amerika kung saan sila nakatira ng kaniyang asawa at harapin ang isa pa niyang trabaho roon.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nagpahayag ng pasasalamat ang comedy queen sa pagkaka-renew ng kaniyang kontrata sa GMA Network.

"Praise God ako po ay isang Kapuso pa rin. Ako po ay ni-renew ng GMA as artista," anang akres.

ADVERTISEMENT

Nakabase ngayon si AiAi sa San Francisco, California, USA, kasama ang kaniyang asawa na si Gerald Sibayan.

Ayon kay AiAi, nagtatrabaho na rin siya sa Amerika bilang activity director sa isang facility for the elderly.

"As an activity director ikaw yung magpapaganda ng buhay ng mga residente sa mga facility, yung kanilang way of life, yung mga activities na ibibigay mo sa kanila will make them happy," kuwento ni AiAi.

Ayon kay AiAi, excited na rin siyang magtanghal para sa GMA Pinoy TV's sa September 24 at 25 sa California, at magpasaya ng mga kababayan.

Makakasama doon ni AiAi sina Dingdong Dantes, Bea Alonzo, Lani Misalucha, Julie Anne San Jose, at Rayver Cruz. —FRJ, GMA News