Ibinahagi ni Michelle Dee kung paano niya natamo ang sugat sa kaniyang mukha na dulot ng kaniyang alagang aso.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ni Michelle ang kaniyang sugat sa mukha nang makapanayam ng GMA Integrated News sa Zoom.
Ayon sa Miss Universe Philippines 2023, aksidente niya itong nakuha noong Martes habang nakikipaglaro sa kaniyang fur babies. Katabi niya noong matulog ang kaniyang mga aso at nakaugalian na nila tuwing umaga na maglambingan.
“There was no aggression. So I knew it was a really, really big freak accident lang. Her mouth was open, my face was right here (malapit sa mukha ng aso). Magkatabi kami. So parang naganu’n (nakagat) lang. And that’s why the abrasion is not that super deep, it was really just skin level lang,” sabi ni Michelle.
Agad tinawagan ni Michelle ang kaibigang si Dr. Hayden Kho, na nagpayo sa kaniyang pumunta sa ER para mabakunahan ng anti-rabies at anti-tetanus.
Ibinahagi niya rin ito sa Instagram, at nagpaalala sa publiko na agapan ang pagkilos sa mga katulad na insidente.
“First thing is get your anti-tetanus and your rabies shots. Things like these there are no cures, you don't want to take it to chance. I can’t make miss a beat, and I think my next shot is tomorrow.”
Pagkagaling sa ER, saka dumiretso si Michelle sa clinic ni Dr. Vicky Belo upang ipasuri ang kaniyang mga sugat. “Doon na ako nakahinga, after the experts saw what happened. It should heal in the next two weeks,” sabi niya.
Sa kabila ng insidente, hindi pa rin nawala ang pagmamahal niya sa kaniyang baby girl, at ginawan pa niya ito ng Instagram account.
Samantala, nag-post din si Michelle ng ilan niyang snaps, tampok ang kaniyang short blonde hair na may caption, “It's the time of the year,” na may pride flag at burning heart emoji.
Noong 2023, inanunsyo ni Michelle na isa siyang bisexual.
Sa pagdiriwang ng Pride Month, maglalabas sila ng bagong music video ng single niyang “Reyna.”
“At the very count, it's a little different from the music video that came out but still very close to my heart. Abangan din po natin ang second single ko that’s coming out very, very soon. I can’t wait for that also,” ani Michelle.
Inihayag din ni Michelle ang kaniyang suporta para sa kaniyang kapwa queen na si CJ Opiaza, na opisyal nang kinoronahan bilang Miss Grand International 2024.
“I know how hard she has fought to be where she is now and honestly if there is anyone that can maximize this platform that she has for just a few months, I know she will and I know she's accepting that as something that God laid out for her. It's her destiny, nobody can take that away from her,” sabi ni Michelle.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
