Inilahad ni Cheska Fausto na niligawan siya ng kaniyang kabarkadang si Vince Maristela, bago pumasok ang binata sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.” May balak kaya ang actor na pormahan muli ang kaibigan?

“Yes po, single po ako nu’ng pumasok po sa loob ng Bahay ni Kuya,” sabi ni Vince sa guesting nila ng kaniyang mga ka-“ TRGGRD Squad” na sina Cheska at Sean Lucas sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

Inalam ni Tito Boy kina Vince at Cheska kung ano ang namagitan sa kanilang dalawa.

“We’re not together po ni Vince, but he courted me. Nanligaw po siya,” saad ni Cheska.

Gayunman, pakiramdam niya na hindi iyon ang tamang pagkakataon para sa kanila.

“I didn't say yes or hindi ko po siya binasted. It's just that, Tito Boy, I felt like it wasn't the right time,” anang Sparkle artist.



Si Vince naman, napagtanto na gusto niyang pahalagahan ang pagkakaibigan nila ni Cheska.

“Siguro po, nakikita ko lang din po kay Cheska ‘yung kaibigan ka na kahit ang tagal niyong hindi nag-usap, ‘pag tinawagan mo, parang walang nagbago,” anang dating PBB housemate.

Tapatang tanong ni Tito Boy kay Vince, “Do you still love her?”

“Siguro po, nag-iba po talaga ‘yung tingin ko kay Cheska. Mas lumalim siguro ‘yung pagkakaibigan. ‘Yun talaga ‘yung nakikita ko na parang ayokong sirain,” sagot ni Vince.

“Siguro mahal ko siya pero in a different way,” dagdag pa niya.

Sa loob ng Bahay ni Kuya, nakita ng fans ang ilang moments kung saan tila nagugustuhan ni Vince si Shuvee Etrata. Ngunit paglilinaw niya, wala itong ibang kahulugan.

“May mga edit po na iba ‘yung naibibigay na [kahulugan]. Hindi po, hindi po.”

Bahagi sina Vince, Cheska at Sean ng “TRGGRD!” na podcast ng lifestyle channel ng GMA Network na ATM (Adventure. Taste. Moments).—FRJ GMA Integrated News