Ibinahagi ni Joey Marquez kung paano nila napanatili ng dating asawa na si Alma Moreno ang kanilang pagiging mag-best friend.
“Kasi siguro, na-realize namin pareho, na kailangan i-consider namin ang mga anak namin. Whatever na mag-away kami, maapektuhan 'yung mga bata. So what we did, sabi ko, ‘Hindi man tayo tumagal ng husband and wife, but we can be friends or best friend. By doing that, para naman ma-compensate naman 'yung lungkot ng mga anak natin na naghiwalay tayo,’” sabi ni Joey sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
In a relationship ngayon si Joey sa kaniyang non-showbiz partner na si Malu Quintana.
Sinabi rin ni Joey na ipinapaalam niya kay Malu kapag makikipag-usap siya kay Alma bilang respeto sa kanilang relasyon.
“Siyempre with due respect din. Respeto sa lahat. Kasi, siyempre, 'yung ka-partner mo, huwag mo siyang iba-blind side, kailangan alam din niya because that's what partners are for,” ani Joey.
Ayon pa sa aktor, mabuting magkaibigan din sina Alma at Malu.
“Ang sabi ko nga, ‘Nagkamali na ako, umabuso na ako, bakit ko pa gagawing malala? Siguro I have to solve it in a good way,” dagdag ni Joey.
May apat na anak sina Joey at Alma: sina Yeoj, Winwyn, Vitto at Em-em. – FRJ GMA Integrated News

