Naniniwala ang aktor na si Joey Marquez—na mayroong 16 na anak—na hindi obligasyon ng mga anak na alagaan ang kanilang mga magulang kapag matanda na.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, hiningan ni Tito Boy ng opinyon si Joey tungkol sa panukalang batas na obligahin ang mga anak na alagaan ang kanilang magulang kapag matanda na.

“Para sa akin wala,” saad ni Joey kung may obligasyon ba ang mga anak na alagaan ang magulang.

“Kasi bilang magulang... ako kasi hindi ko itinuring investment ang mga anak ko, itinuring ko silang responsibilidad," patuloy niya. “Kailangang gawin ko lahat para sa magandang future nila.” 

Sinabi rin ni Joey na ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi siya lalapit sa kaniyang mga anak kapag nagkasakit siya o kahit sa kalye na lang siya nakatira.

“May pride ako eh. Siguro mali pero sabi ko…” ayon kay Joey na isang proud daddy dahil sa naabot ng kaniyang mga anak na may mga propesyonal na.

Para sa kaniya, sapat na ang maging matagumpay sa buhay ang kaniyang mga anak.

Sinabi pa ni Joey na dapat gawin ng isang ama ang kaniyang responsibilidad sa anak nang walang hinihintay na kapalit.

Kaya naman ipinapayo niya sa mga bata na mahalin ang mga magulang.

“Ang tatay ibibigay niya lahat kahit nahihirapan na siya, but he will not ask anything back,” ani Joey. “Kahit nahihirapan siya [ama] hindi kikibo ‘yan.” –FRJ GMA Integrated News