Isa sa mga hit song OPM hitmaker na si Maki ang “Dilaw,” na ginawan pa ng parody version ng Kapuso Comedy Genius na si Michael V. Ngunit ayon sa singer-songwriter, isinulat niya ang naturang awitin para sa kaniyang sarili. Bakit kaya? Alamin.

Sa pagbisita ni Maki sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, August 8, tinanong siya ng King of Talk kung ano ang kuwento sa likod ng naturang kanta.

Ayon sa singer, sinulat niya ang "Dilaw" para sa kaniyang sarili. At habang isinusulat umano niya ang kanta ay may binabasa siyang libro tungkol sa katapangan, na marami umanong uri.

Kaya naman tinanong din ng King of Talk kung ano ang sinasabi ni Maki sa sarili gamit ang kaniyang kanta, sagot niya, “Para sa akin, ang best form of love po is hindi siya kagaya ng red, kasi po laging associated 'yung love, para sa akin sa pula, na laging sobrang passionate, sobrang romantic.”

Para kay Maki, ang pagmamahal ay dapat kalmado, warm, at may self-acceptance.

Inalam din ni Tito Boy ang mensahe ng linya sa kaniyang kanta na “Ikaw ang katiyakan ko,” at tinanong kung sino ang pinatutungkulan niya dito.

Saad ni Maki, patungkol ito sa sarili niya, na habang isinusulat niya ang kanta ay may binabasa siyang libro tungkol sa katapangan na marami umanong uri.

Aniya, “Sa pagpu-pursue ng dream na 'to or tao man, the courage of acknowledging that you are not the best, you are not perfect, the courage to sit down with your demons, with your flaws. Ako po, para sa akin, 'yun 'yung talagang—nag-i-start po doon 'yung totoong pagmamahal. Hindi lang sa atin, hindi lang sa sarili mo, kundi sa mga taong nakapaligid sa'yo.”

Pagpapatuloy pa ni Maki, “'Pag minahal mo na 'yun, 'pag nagkaroon ka na ng courage to love these things, 'yun po 'yung totoong pagmamahal.”

Nasaktan sa first love

Inilahad din Maki ang sakit ng unang pag-ibig na kaniyang naramdaman sa kaniyang ex-girlfriend na iniwan siya. Ang karanasang iyon ang pinaghuhugutan niya ng iba niyang mga awitin na may pait.

“Badtrip kasi 'yung ex ko rin, Tito Boy. 'Yung ex ko po, Tito Boy, magsusumbong po ako sa inyo, kasi po 'yung ex ko, bigla na lang umalis,” ayon kay Maki.

Kuwento ni Maki, bigla na lang umalis ang ex girlfriend niya noon nang wala umanong paglilinaw kung bakit. 

Pagbabahagi pa ni Maki, ang extended play o EP niyang “Tanong” noong 2023 ang mga tanong niya mismo sa kaniyang ex. Kwento pa niya, wala sana siyang balak ilabas ang naturang koleksyon ng kanta lalo na't pakiramdam niya ay sobrang vulnerable siya dito.

“Pero I felt like people needed that from me, na kailangan kong maging real in order for them to realize na 'Yes, I'm also a person, I'm a singer, and I get to write songs about not only sa buhay ko po, pero sa mga tao na nakaka-relate po sa akin,'” sabi ni Maki.

Dagdag pa niya, first love niya ang naturang ex-girlfriend at hanggang ngayon ay hindi na siya na-in-love muli.

Nilinaw naman ni Maki na hindi singer o parte ng music industry ang kaniyang ex, at sinabing kahit nag-hit na ang mga kanta niya ay ayaw pa rin siyang kausapin nito. Ngunit para sa “Dilaw” singer, enough closure na ang nangyari sa kanila.

“Enough closure na po 'yung parang realizing for myself na I'm worth it kahit ano, sinong tao man 'yung makilala ko. Para sa'kin, 'yun po 'yung closure ko sa sarili ko and 'yun na rin po 'yung sagot sa mga tanong na tinanong ko po sa mga songs ko,” sabi ni Maki.

Kung nakaramdam man siya ng sakit sa unang pag-ibig, buong suporta at pagmamahal naman ang naramdaman ni Maki sa kaniyang mga magulang.

Ikinuwento ni Maki ang nangyari sa kauna-unahan niyang single na “Halaga.”

Anang mang-aawit, maaaring walang masyadong nakakaalam ng naturang kanta, lalo na’t wala naman daw nakinig nito noong una niyang ilabas ang single.

“Meron po kasi sa Spotify na makikita mo na may isang nakikinig, may dalawang nakikinig, tapos 'yung kaisa-isahan po na 'yun, 'yung Papa ko. So sobra po akong happy,” sabi ni Maki.

Kaya naman, sobrang pinapahalagahan ni Maki ang kaniyang mga magulang. -- mula sa ulat ni Kristian Eric Javier/GMA Network.com